Monday, February 1, 2021

About

ANG ORATORIO DE LA PATRONA
Updated December 16, 2023


Ang Oratorio de Santa Marta de Pateros o mas kilala sa tawag na Oratorio de la Patrona ay ang tahanan ng Imahen at Banal na Relikya ni Santa Marta sa Barangay Aguho, Bayan ng Pateros, Kalakhang Maynila. Ito ay ipinatayo ni Ginang Cresencia Tenorio-Castillo (1925-2019) sa tabi ng kanilang tahanan noong dekada 1980 nang siya ay mahirang bilang “Camarera de Honor” ng matandang imahen ng Santa Marta de Pateros.

Sa loob ng mahigit na dalawang dekada, ito ang naging tahanan ng pamamanata kay Santa Marta sa pamamagitan ng pagtitirik ng kandila at pag-aalay ng mga bulaklak. Matatandaan na ang matandang imahen ay pagmamay-ari ng Pamilya De Borja-Dayco (hanggang sa kasalukuyan) kaya makikita lamang ito tuwing ika-29 ng Hulyo, Dakilang Kapistahan ni Santa Marta. Dito nagmumula ang “Traslacion” o paghahatid sa imahen patungong simbahan para sa pagsisiyam gayundin ang sunduan sa tuwing may hihiram ng imahen para sa “Pamisa de Gracia.”

Ang Oratorio ay matatagpuan sa kahabaan ng P. Herrera. Ang unang altar nito ay isang urna na yari sa kahoy na may aparador sa ibabang bahagi kung saan itinatago ang mga antigong gamit at damit ng imahen. Pinalitan ito ng sementadong altar noong dekada 1990 na ginagamit hanggang sa kasalukuyan. Mula noon, orihinal ang istruktura nito sa nagdaang apat na dekada.

Sa pagbabalik ng matandang imahen sa Pamilya De Borja-Dayco noong 2004, iniluklok ang imahen ng Poderes de Santa Marta de Pateros na naging dambanang imahen noong 2009. Ang Oratorio ay isinara sa publiko sa kadahilanang walang pagmamay-aring imahen ng Santa Marta de Pateros ang Pamilya Castillo na mailuluklok sa altar. Ang nasabing dambanang imahen ay pinalitan ng panibagong imahen na kaloob ni Padre Estelito Villegas noong 2019 at maraming kasapi ng nasabing samahan ay ang kasalukuyang bumubuo ng Ministry on Popular Piety and Devotion o Team Pintakasi ng Dambanang Pangdiyosesis ni Santa Marta.

Dahil sa natatanging bahagi nito sa kasaysayan ng pamimintuho kay Santa Marta sa Pateros at sa ala-ala ni Ginang Cresencia Castillo at ng mga Camarera de Honor, napagpasyahan ng kanyang mga anak na muling buksan ang Oratorio de la Patrona at magluklok ng bagong imahen. Ang muling pagbubukas ay binasbasan ni Padre Felix Maria DueƱas, FI, JCL, noong ika-29 ng Hulyo, 2019. Maliban sa imahen, makikita rin ang banal na relikya – piraso ng buto – ni Santa Marta at iba pang mga banal katulad nina San Roque, San Antonio ng Padua, at San Pio ng Pietrelcina.

Layunin ng muling pagbubukas ang mga sumusunod:
Pangalagaan ang istruktura at sinupan ng Oratorio bilang nalalabing ala-ala ng pamimintuho kay Santa Marta bago ang pagtatatag ng Dambana,
Pagpapahalaga sa pamanang tradisyon ng mga “Camarera de Honor” sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang halimbawa mula sa pag-aalaga ng imahen hanggang sa pagtanggap sa mga deboto bilang pagpupugay,
At pag-ingatan ang kasaysayan ng pamimintuho kay Santa Marta para sa susunod na salinlahi at laban sa mga nais gumawa ng kanilang sariling kasaysayan gamit ang Oratorio.

Ang Oratorio de la Patrona ay bukas tuwing Pistang Bayan ng Pateros (ikalawang Linggo ng Pebrero) at Dakilang Kapistahan ni Santa Marta para sa mga deboto na nais magtirik ng kandila at mag-alay ng mga bulaklak sa imahen at banal na relikya ni Santa Marta habang nagbabalik-tanaw sa nakaraan.

Oratorio de Santa Marta de Pateros
939, P. Herrera Street, Aguho, Pateros, Metro Manila
Facebook: @OratorioPH

For inquiries on its archives, reliquary, or shop, please write to:

No comments:

Post a Comment