Thursday, February 4, 2021

Devotional Material (Filipino)

Devotional Material in Filipino
  • Santa Marta
  • Santa Marta ng Pateros
  • Panalangin, Nobena, at Triduo
  • Larawan (PNG)

SANTA MARTA, ALAGAD NG PANGINOON

Si Marta (mula sa Arameo, “babaeng tagapamahala ng tahanan;” may nagpapalagay din na maaaring mula ito sa salitang Arameo na ang ibig sabihin ay “palmera”) ay taga-Betania, at kapatid nina Lazaro at Maria. Ipinapalagay na siya ang pinakamatanda sa magkakapatid at nangangasiwa sa kabahayan. Ang magkakapatid na ito ay mahal ni Hesus (tingnan Jn. 11:5) kaya’t madalas dumalaw si Hesus sa tahanan nila, at si Marta ay laging handang maglingkod sa kanya. Ang katotohanang ito ay malinaw na nalarawan sa pangyayaring nasalaysay sa ebanghelyo ayon kay Lucas (10:38-42), na kung saan ay hiniling ni Marta kay Hesus na sabihan ang kapatid niyang si Maria na tulungan siya sa gawaing bahay. Si Maria noon ay nakaupo sa paanan ni Hesus at nakikinig sa kanyang turo. Ang naging tugon ni Hesus ay: “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti at ito’y hindi aalisin sa kanya” (Lc. 10:41-42). Batay dito, si Marta ay naging halimbawa ng Kristiyanong paggawa, at si Maria, ng Kristiyanong pagninilay. Nang si Lazaro ay namatay, si Marta ang sumalubong kay Hesus nang dumating ito sa kanilang nayon, samantalang si Maria ay naiwan sa bahay (tingnan Jn. 11:20). Ang pangyayaring ito ay naging isang pagkakataon para kay Marta na ipahayag ang kanyang matibay na pananampalataya kay Hesus. Nang tinanong siya ni Hesus kung naniniwala siyang si Hesus “ang muling pagkabuhay at ang buhay,” ipinahayag ni Marta, “Opo, Panginoon! Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesias, na inaasahang paparito sa sanlibutan” (Jn. 11:25-27).

Batay sa isang tradisyon, si Marta, kasama ang kanyang mga kapatid at ilan pa, ay isinakay sa isang bangkang walang sagwan at layag. Nagpalutang-lutang sa karagatan ang bangka hanggang sa mapadpad ito sa baybayin ng Provence sa Pransiya, sa patnubay ng Diyos. Sa lugar na ito ay nagtayo sila ng isang oratoryo na naging isang simbahan noong ika-9 na siglo at nakilala sa tawag na Notre-Dame-de-la-Mer. Naghiwahiwalay ang mga magkakasama upang ipangaral ang Mabuting Balita sa lupaing iyon. Si Marta ay nagpunta sa Tarascon, na kung saan ay tinalo niya ang Tarasque, isang dragon na nakatira sa ilog at nangangain ng tao, sa pamamagitan ng benditadong tubig at krusipiho. May ginawa din siyang mga himala, tulad ng pagbuhay sa isang lalaking nalunod sa paglangoy habang tumatawid ng ilog upang makapakinig sa pangaral ni Santa Marta. Dito na rin siya namatay at inilibing. Nang sumalakay ang mga Saraceno noong ikawalong siglo, tinabunan ang libingan ni Santa Marta upang ito ay hindi mawasak dahil sa nasabing pagsalakay. Muli itong natagpuan noong 1187. Ang pagkatuklas na ito ang nag-udyok sa mga tao na magtayo muli ng isang simbahan sa ibabaw ng lumang simbahan. Ang Simbahan ni Santa Marta ay itinalaga ng Arsobispo ng Arles noong ika-1 ng Hunyo 1197.

Ang paggunita kay Santa Marta ay tuwing ika-29 ng Hulyo. Ito ay inilagay ng mga Franciscano sa kalendaryo noong 1262, at sinunod naman sa Roma noong huling bahagi ng siglong nabanggit. Ito ay nagsisilbing oktaba ng kapistahan ni Santa Maria Magdalena (Hulyo 22), batay na rin sa maling paniniwala noon na si Maria Magdalena at si Mariang kapatid ni Marta ay iisa. Pagkatapos ng pagpapanibago sa liturhiya ng Vatican II (1962-65), binigyang linaw na si Maria Magdalena ay hindi ang Mariang kapatid ni Lazaro. Sa nirebisang Martyrologium Romanum ng 2001, hindi na tinukoy si Magdalena bilang kapatid nina Marta at Lazaro, at nagtakda na ng hiwalay na paggunita para kay Mariang kapatid ni Marta. Si Santa Maria ng Betania at si San Lazaro ay ginugunita na sa kasalukuyan tuwing ika-29 ng Hulyo, kasama ni Santa Marta. Si Santa Marta ang patrona ng mga maybahay, labandera, matatandang dalaga, tagaluto, nutrisyunista, kasambahay, nangangasiwa ng kainan, bahay-panunuluyan, bahay-paupahan at ospital, at mga naglalakbay. Pinamimintuhuan siya sa Provence – sa Aix at Tarascon – at maging sa Tuscany. Sa banal na sining, siya ay madalas na inilalarawan sa ganitong paraan: may kumpol ng mga susing nakasabit sa kanyang pamigkis, may hawak na sandok o walis, may dalang banga o pitsel at basket ng pagkain (prutas o tinapay), o may hawak na pangwisik ng banal na tubig at krusipiho habang nakatapak o may katabing dragon na nakatali sa kanyang pamigkis.

SANTA MARTA NG PATEROS

Ang Pateros ang pinakamaliit na bayan sa Kalakhang Maynila, at dito nagmula ang pag-iitik at ang industriya ng balot na itinuro noon ng mga Tsino. Noong 1572, itinatag ng mga Kastila ang bayan ng Pasig na binubuo ng labindalawang Barangay, at isa sa mga ito ang Barangay Aguho, ang tawag sa Pateros noon dahil sa maraming puno ng Aguho na matatagpuan sa Pateros noon. Noong 1742, ang Aguho ay naging visita ng Taguig na itinatag ng mga Prayleng Agustino noong 1587. Walang malinaw na tala kung kailan at paano nabalik sa Pasig ang Aguho.

Pagsapit ng 1799, ihiniwalay sa Pasig ang Aguho upang maging isang bayan ng Provincia de Manila. Ipinahayag naman noong 1801 na ang Aguho ay tatawaging Pueblo de Patero (Bayan ng mga Mag-iitik), na pinaikli ng mga prayle sa “Pateros” na siyang tawag sa nasabing bayan hanggang sa kasalukuyan. Noong ika-2 ng Agosto 1815, itinalaga ang unang kura paroko ng Pateros na si Fray Andres Vehil (Veil). Dumating si Fray Andres sa Pateros noong ika-7 ng Agosto 1815. Ang napiling titular ng bagong parokya ay si San Roque. Si Fray Andres ang nagpasimula sa pagpapatayo ng simbahang bato at ng kampanaryo ayon sa plano ni Fray Santos Gomez MaraƱon. Natapos niya ang pagpapatayo sa kumbento, samantalang ang pagpapatayo ng simbahan ay natapos ng mga humaliling pari. Kinikilala noon ang simbahan na may magandang arkitektura.

Isang malaking bahagi ng mayamang kasaysayan ng Pateros ang pamimintuho kay Santa Marta. Ipinapalagay na lumaganap ang pamimintuhong ito dahil sa pangunahing kabuhayan noon ng mga taga-Pateros, ang pag-iitik at balutan, at ang pangangailangang maipag-adya ang kanilang kabuhayan mula sa mga buwaya sa ilog. Sa paglaganap ng pagdedebosyon kay Santa Marta, maraming taga ibang bayan ang dumadayo sa Pateros upang mamintuho. Marami ring anyo ng pamimintuho ang umusbong tulad ng mga sumusunod: pag-aalaga sa imahen ni Santa Marta, padamit sa imahen, pasiyam (nobena bago ang kapistahan tuwing Pebrero at Hulyo, o sa loob ng siyam na Martes), pagoda (prusisyon sa ilog noon), pasubo (paghahagis sa mga deboto ng nakabalot na pagkain), bayani at buwaya (isang lalaking sagisag ng bayaning tumalo sa buwaya sa pagoda sa ilog), pandanggo (pagsasayaw ng fandango sa prusisyon bilang panata o pasasalamat), pamisa de gracia (pag-aalay ng misa bilang pasasalamat), at pahalik. Ang pamimintuho rin kay Santa Marta ay lumaganap sa ibang lugar (tulad ng Rizal at Laguna) dahil sa mga magbabalut. Naging patrona rin si Santa Marta sa Kalawaan, Pasig at sa Wawang Umboy sa Santa Cruz, Laguna. Dinala rin ng mga taga-Pateros na nangibang-bansa ang debosyon kay Santa Marta sa mga bansang pinuntahan nila. Kaya’t may pagdiriwang ng kapistahan ni Santa Marta sa Chicago, Illinois; sa New York; sa New Jersey; sa Los Angeles, San Francisco at San Diego sa California; at sa Winnipeg, Toronto, at Edmonton sa Canada.

TANGING PANALANGIN SA KARANGALAN NI SANTA MARTA

Nihil obstat: Reb. Padre Reginald R. Malicdem
Imprimatur: ✠Luis Antonio G. Cardinal Tagle, D.D.

O Diyos na makapangyarihan, dahil sa dakila mong pagmamahal sa sangkatauhan ay nagkatawang-tao ang iyong Anak at nakipamuhay sa amin at sinumang tumanggap at sumampalataya sa kanya ng pinagkalooban mo ng kaligtasan. Natagpuan niya sa iyong lingkod na si Santa Marta ang walang pasubaling pagtanggap sa kanyang tahanan nang may masiglang paglilingkod at galak sa pakikipagkaibigan. Sa hapag ni Santa Marta ay magiliw na hinandugan si Hesus ng pagkain at inumin na kanyang kinalugdan. Sa hapag ng Eukaristiya ay makabahagi nawa kami tuwina ng pagkain na hatid ni Hesus na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.

Basbasan mo ang aming mga puso na maging laging bukas sa mabuting pagtanggap kay Hesus na ang nais ay ang pakikinig sa kanyang Salitang nagbibigay-buhay at tinawag na pinagpala ang lahat ng nagsasabuhay nito.

Pakumbabang iniluluhog namin na ibuhos mo ang Iyong masaganang pagpapala sa amin na nakakaalala sa malalim na pag-ibig at pananampalataya na ipinakita ni Santa Marta sa iyong Anak. Alang-alang sa mga panalangin ni Santa Marta ay ipagkaloob mo ang aking kahilingan (tumahimik sumandali at banggitin ang kahilingan) kung ito ay para sa kagalingan ko at kaluwalhatian mo.

Sa halimbawa ng ulirang pananalig ni Santa Marta, ay maging buo ang loob namin na ipahayag si Hesus ang Mesias, ang Anak ng Diyos, ang aming Buhay at Muling Pagkabuhay.

At sa wakas ng aming paglalakbay dito sa lupa, ay masapit nawa ang tahanang inihanda ni Hesus para sa amin sa langit at mamalas ang iyong kaluwalhatian kasama ng lahat ng mga banal at ng lingkod mong si Santa Marta.

Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

O Martang pintakasi namin, kami’y iyong idalangin. 

ANG PAGSISIYAM SA KARANGALAN NI SANTA MARTA

Nihil obstat: Reb. Padre Jorge Jesus A. Bellosillo
Imprimatur: ✠Francisco C. San Diego, D.D.

Upang makamtan natin, ani San Agustin, nang buong kapanatagan at kasaganaan ang pag-aampon ng mga Banal ay kinakailangang sila’y tularan. Sapagka’t kapag nakita nilang ginagawa natin ang mga kabanalang kanilang ginawa ay para bagang lalo silang napipilitan na idalangin tayo sa Diyos.

Ito ay dili iba ang dahilan na sa bawa’t isang araw ay aking nilagyan ng isang pagninilay-nilay sa kabanalan na totoong ginanap ng Santa, at lalong kinakailangan natin; nguni’t sa ikawalong araw ay pinili ko sa lahat ang pagdedebosyon sa bunyi nating Pintakasi, na kabanal-banalang Birhen na totoong kinalulugdan ng kanyang Anak. Ayon kay San Bernardo ay niloloob ng Diyos na ang lahat ng napapakagaling ay sa pamamagitan ni Maria. Laki nga ng natatamo sa tunay na pamamanata kay Maria! “Tunay na pamamanata” ang wika ko, sapagka’t nais kong tukuyin yaong tunay na nagpipilit sa paglayo sa mga kabanalan.

Kaya nga, ang wika ng naturan ding Banal sa sinumang tao ay ganito: Kung ikaw ay ipinagtatanggol ni Maria ay walang pagsalang di ka makararating sa kaharian ng kaluwalhatian. Datapuwa’t laking kasaliwaang palad noong walang debosyon o nagpapawalang halaga sa pag-ibig kay Maria! Sapagka’t ito, kung hindi magbabagong buhay, ay isang malinaw na tanda ng kanyang pagpapakasama! Dapat matalastas na isa sa mga lalong kinalulugdang debosyon ni Maria ay ang pagdarasal araw-araw ng kamahal-mahalan niyang Rosaryo na di dapat talikdan ng sinumang Kristiyano.

Sa ikasiyam na araw ay inilagay ko ang pamimintakasi sa maluwalhati at kapalad-palarang Esposo ni Maria, sapagka’t sa panahong ito’y ipinakikita ng Makapangyarihan ang walang kawangis na kalakasan ng kanyang pamamagitan dahil sa lubhang marami at kagila-gilalas ang mga biyayang ipinagkaloob sa mga tumawag sa kanya. Hindi rin mabilang ang mga iniligtas niya sa malalaki at kakila-kilabot na mga panganib. Dahil dito’y mapagtatalastas nating totoong ikinaliligaya ng Diyos na pintuhuin natin si San Jose, at daingan natin sa mga karalitaan, hilahil, at kapanganiban.

Panalangin: O Diyos na aming kagalingan at kabuhayan, dinggin Mo po kami, nang kung ang kapistahan ng maluwalhating Birhen Santa Marta ay makapuspos sa amin ng banal na kaligayahan ay gayon din naman ipagkamit namin ng alang-alang kay Hesukristong Panginoon namin. Amen.


TATLONG ARAW NA PANANALANGIN (TRIDUO) KAY SANTA MARTA

Coming soon.

LARAWAN (PNG)



No comments:

Post a Comment